Kinuwestiyon ng abogado ni Deniece Cornejo kung bakit nasa detention facility ng National Bureau of Investigation (NBI) si Vhong Navarro sa halip na sa pulisya matapos isilbi ang warrant of arrest laban sa aktor sa kasong panghahalay.
Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabi ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni Cornejo, na dapat idetine si Navarro sa Taguig City jail alinsunod umano sa batas.
“Ang batas ang dapat sundin... At nakalagay sa batas, ang procedure diyan, ang taong naaresto para sa kaso na ito ay lilitisin sa lungsod ng Taguig, dapat nakapiit sa Taguig City Jail. 'Yan ang batas,” giit ni Topacio.
“Ang puwede lamang po i-detain sa NBI ay 'yung mga arestado in flagrante delicto, 'yung mga caught in the act or iimbestigahan ng NBI,” dagdag niya.
Inilabas ng Taguig Regional Trial Court Branch 69 ang ikalawang warrant of arrest laban kay Navarro na rape — kaso na walang piyansa.
Ayon sa kampo ng aktor, hindi pa nila natatanggap ang commitment order mula sa korte at ang resolusyon na basehan ng demanda. Inihahanda na rin nila ang paghahain ng petition for bail.
“To be honest, hindi namin inakala na ganun kabilis 'yung pag-issue ng warrant of arrest dahil mayroon kaming at least three motions before the Honorable Court,” ayon kay Atty. Alma Mallonga, abogado ni Navarro.
“Hindi lang sufficient na may kasong rape against Mr. Navarro. Dapat kapag humingi kami ng bail, obligado ang prosecution to show na malakas ang ebidensya, hindi lang kahit na anong level ng ebidensya, there should be strong evidence,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Mallonga na igagalang nila ang pasya kung saan dapat madetine ang aktor. Hinihintay din nila kung kailan babasahan ng sakdal si Navarro.—FRJ, GMA News