Nangangamba ang isang grupo ng mga magsasaka ba baka madagdagan ng hanggang P4 per kilo ang presyo ng bigas.
Inihayag ito ng Federation of Free Farmers Cooperative sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News' Unang Balita nitong Martes.
Ang posibleng pagtaas ng presyo ng bigas ay sanhi ng pagtaas pa rin ng halaga ng mga produktong petrolyo.
Bukod pa diyan ang mahal na gastusin sa pagtatanim dahil sa tumataas na rin umano ang presyo ng abono o pataba sa lupa.
Noong nakaraang linggo, tumaas sa P15,000 ang halaga ng fertilizer mula sa dating P12,000.
Dahil dito ayon sa grupo, nadagdagan ng P3 per kilo ang rice production cost. Kaya ang profit margin ng magsasaka ay nasa P4 per kilo na lang umano.
Ilang nagtitinda ng bigas ang nagtaas na umano ng kanilang presyo noong nakaraang buwan. Pero dahil sa reklamo ng mga namimili, hindi nila maisagad ang dagdag presyo na kailangan nilang ipataw.
Sa halip, umaasa na lang ang mga nagtitinda ng bigas na marami ang mamimili ng produkto.
Sa ngayon, ang lokal na bigas ay nagkakahalaga sa mga pamilihan ng mula P38 hanggang P40 per kilo. —FRJ, GMA News