Labis na takot ang naramdaman ng isang babaeng Grade 12 student nang tutukan siya ng patalim ng isang holdaper sa Quezon City. Nakuha ng salarin ang cellphone ng biktima na regalo ng kaniyang mga magulang para sa kaniyang kaarawan.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, nahuli-cam sa CCTV camera ang insidente na nangyari sa Barangay Masagana sa Quezon City nitong Miyerkules ng hapon.
Sa video, makikita ang 17-anyos na biktima na papauwi na pero saglit na tumigil sa maliit na kalye para tingnan ang mensahe sa cellphone. Mula likod niya, lumapit ang salarin at tinutukan ng patalim sa leeg ang estudyante.
Makikita rin na nagpumiglas ang biktima. Kaagad namang tumakas ang salarin dala ang cellphone ng biktima.
“Inakbayan niya po ako nang mahigpit no'n sobra. Tapos po pagka-akbay niya po sa akin nang mahigpit no'n, tinutukan niya po ako dito ng matalim po. After po no'n, hawak na niya yung phone ko po. Sobra po yung pagkahigpit niya po sa leeg ko po talaga no'n so tinatry ko po talaga na umalis sa kaniya na kasi po natakot po talaga ako,” kuwento ng biktima.
Tinatayang nagkakahalaga ng P17,000 ang cellphone., na ayon sa biktima ay regalo sa kaniya ng kaniyang mga magulang para sa nalalapit niyang kaarawan.
“Pasalamat na rin po ako sa Panginoon dahil wala siyang ginawa sa anak ko, hindi niya sinaktan. Sana mahuli siya para wala na po siyang mabiktima na iba,” saad ng ina ng biktima.
Naiulat na sa barangay at Quezon City Police Department Station 8 ang insidente.
Hinahanap na umano ng mga awtoridad ang holdaper.—FRJ, GMA News