Kung si Finance Secretary Benjamin Diokno ang tatanungin, nais na niyang mawala sa Pilipinas ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na inilarawan niyang may "social and reputational risks."
Sa pagpunta niya sa Senado nitong Huwebes para sa Development Budget Coordination Committee briefing sa mga senator kaugnay sa 2023 panukalang budget ng pamahalaan, sinabi ni Diokno, na maaari nang alisin ang POGO na nagsisimula na rin naman daw na humina ang kita.
Ayon sa kalihim, umabot sa P3.9 bilyon ang kita ng POGOs noong 2021, mas mababa sa P7.2 bilyon na kinita noong 2020.
“If you ask my personal opinion on this, let’s discontinue with the POGO because of the social cost,” sabi ni Diokno.
“It also has a reputational risk because people will ask, ‘Why are they going to the Philippines? Diniscontinue na sa China, diniscontinue na sa Cambodia, why are they going to the Philippines?’” dagdag niya.
Ayon kay Diokno, nang ipatigil ng China at Cambodia ang operasyon ng POGO sa kanilang mga bansa, maaaring lumipat sila sa Pilipinas dahil sa iniisip nilang masyadong maluwag o hindi mahigpit ang batas sa bansa.
Setyembre 2019 nang nagbanta ang DOF na isasara na ang POGO dahil sa tax liabilities. Tinatayang aabot sa P21.62 bilyon na withholding income taxes ang hindi nakokolekta dito. Bunga nito, ilang POGO operators ang nagsara.
Sa pagtaya ng Finance Department noong 2020, inihayag nito na maaaring kumita ng gobyerno sa mga POGO ng hanggang P20 bilyon bawat taon. Gayunman, nasa P6 bilyon lang ang nakolekto sa industriya noong 2019.
Una nang ipinaliwanag ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na ang "legal issues" ang nagiging problema sa pagkolekta ng franchise taxe mula sa mga POGO dahil sa katwiran na non-resident corporations sila at hindi saklaw ng naturang buwis.
Iginiit naman ng POGO industry—na kinakatawan ng Accredited Service Providers Association of PAGCOR (ASPAP)— na nagbabayad ang kanilang mga miyembro ng karampatang regulatory fees, corporate at withholding tax ng mga kawani nila.— FRJ, GMA News