Arestado ng mga rumurondang pulis ang isang menor de edad na nanghablot umano ng cellphone sa Santa Cruz, Maynila, nitong gabi ng Miyerkules.
Ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Huwebes, kuha sa CCTV kung paano na-corner ng pulis ang isang riding-in-tandem sa isang intersection.
Bagama't nahuli ang rider, nakatakas naman ang angkas nito.
Kuwento ng biktimang si Joan Ofqueria, naglalakad siya kasama ang kapatid nang biglang may humablot sa hawak niyang cellphone.
“Pagkuha po ng cellphone sigaw po ako. Sabi ko, ‘Kuya, ‘yung cellphone ko po’. Wala po kaming napansin talaga kaya ‘yung cellphone po namin (linalabas namin) kasi wala po kaming naririnig na (tunog) ng motor po,” aniya.
Dagdag pa ng biktima, mahalaga sa kaniya ang cellphone dahil ginagamit niya ito pangkontak sa pamilya sa Cebu.
“Kinakabahan po kasi first time po namin (ma-snatchan). Akala po namin sa TV lang po namin ‘yun napapanuod pero nangyari na po sa amin,” saad pa niya.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Ramon Czar Solas, hepe ng Santa Cruz Police Station, nagtatrabaho sa isang computer shop ang suspek at nakadispalko ng pera kaya nagawa nito ang krimen.
“Mayroon siyang parang nadispalko na pera, around P20,000, so parang naubos ‘yung pera na ‘yun at namomroblema siya kung paano babayaran doon sa may-ari ng computer shop,” ani Solas.
Narekober ng mga pulis ang motor na ginamit sa krimen ngunit nabitbit ng nakatakas na suspek ang cellphone. Patuloy siyang pinaghahanap ng mga awtoridad.
Planong i-turn over ng mga pulis ang kustodiya ng suspek sa Department of Social Welfare and Development dahil siya ay menor de edad pa.
Nagpaalala rin si Solas sa publiko na mag-ingat lalo na tuwing gabi at iwasan ang paglabas ng mga mamahaling gamit. —Alzel Laguardia/KBK, GMA News