Nauwi sa sakitan ang dapat sana’y masayang pa-liga ng basketball sa Barangay Tejeros, Makati, nitong Linggo matapos magkainitan ang mga tagasuporta ng magkalabang koponan.

Ayon sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Huwebes, dikit ang labanan ng dalawang koponan kaya mainit din ang asaran ng mga tagasuporta nila.

Sa isang video, makikitang nag “dirty finger” pa ang isa sa grupo ng mga babae sa kalaban ng kanilang pambatong koponan.

Matapos ang laro kung kailan maglalapit-lapit na ang mga manonood, biglang hinablot ng mga tagasuporta ng natalong koponan ang isang babaeng naka-pink na kinilalang si “Ichang,” 15-anyos at kapatid ng isang player.

Ani Ichang, unang nangantiyaw ang mga tagasuporta ng kabilang koponan. Ngunit nang nakakalamang na ang grupo ng kaniyang kuya, saka naman umano sila bumawi sa pang-aasar.

“Nung medjo nagkakainitan na po ng laban, ayun po bigla na lang silang (nang-aasar), tapos sumasayaw-sayaw pa po sila,” ani Ichang.

Sinusubukan nang ilabas si Ichang ng kaniyang tiyuhin sa court ngunit sinugod na siya ng mga tagasuporta ng kabilang koponan at saka kinuyog.

“Ang dami pong nagsasabi na sarado na raw po ‘yung gate para hindi po ako makalabas. Sabi po, ‘Sarado niyo na ‘yung gate, gerahin na ‘yan dito,’ kinakabahan na po ako akala ko hindi na ako makakalabas nang buhay doon,” kuwento pa ni Ichang.

Hindi naman matanggap ng pamilya ni Ichang ang sinapit ng kanilang anak na hindi na makalabas ng kanilang bahay mag-isa o kaya ay pumasok sa eskwela dahil sa trauma.

Planong magsampa ng reklamo ng mga magulang ng biktima laban sa mga nambugbog sa kaniya.

Samantala, ipinatigil muna ang mga pa-liga sa barangay.

“Wala naman kasing nagkakagulo dito simula ng liga na ‘yan. Ngayon lang. Bigla lang, ngayon lang. At saka, ‘yung mga player hindi naman nag-aaway, wala namang nag-aaway na mga player. Nagkataon lang talaga ‘yung mga audience biglang nagkagun,” saad ni Kagawad Marvin Villanueva. —Alzel Laguardia/KBK, GMA News