Sa pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot umano sa human smuggling operation sa Amerika, isiniwalat ng mga awtoridad na inilalagay ng sindikato sa mga maleta at tangke ng tubig ang mga taong ipinupuslit sa US-Mexico border.
Inihayag ito kasabay ng pagsasampa ng kaso laban sa walo katao- na karamihan ay US citizens, kaugnay sa kanilang partisipasyon sa human smuggling, ayon sa ulat ng Reuters.
Batay sa pahayag ng US officials at mga dokumento sa korte, nakasaad na mayroon ding mga ipinupuslit na tao na inilalagay sa kahon na gawa sa kahoy sa tractor-trailers, at mayroon lamang maliit na singawan ng hangin.
Nakasaad din sa naturang dokumento na mayroon pang anim katao ang nakalista bilang co-conspirators sa human smuggling.
Ang pagsasampa ng kaso ay bahagi umano ng mas malawak na hakbang ng administrasyon ni US President Joe Biden para labanan ang smuggling networks. Ngayon taon, umabot na umano sa 2 milyon ang naaresto mula noong Oktubre 2021.
Sa isinampang kaso ng US prosecutors, kinilala ang umano'y lider ng operasyon ng isang human smuggling network na si Erminia Serrano Piedra, 31-anyos, mula sa Texas, at kilala bilang si "Boss Lady."
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, natuklasan nila na nakapagdeposito si Serrano Piedra mahigit $1.3 milyon sa dalawang bank accounts sa pagitan ng December 2017 at August 2021.
Pero $120,000 lamang ang kaniyang iniulat sa financial institutions, ayon sa piskalya sa isinagawang pretrial motion.
Sa news conference sa Washington nitong Martes, sinabi ng mga opisyal mula sa Department of Justice at Department of Homeland Security (DHS), na walang pakialam sa mga human smuggler sa buhay ng tao, at tanging kita lamang ang mahalaga sa mga ito.
"They have become increasingly intertwined with the cartels and there is increasing evidence of the abuse, exploitation and violence they perpetrate on migrants," ayon kay John Tien, DHS deputy secretary. "For too long they have acted with seeming impunity."
Nitong nakaraang Hunyo, 53 na migrants ang nasawi nang makulong sila sa tractor trailer sa San Antonio nang hindi magtagumpay ang planong ipuslit sila.
Apat na lalaki, kailang ang driver ng truck ang naaresto at kinasuhan sa naturang insidente.-- Reuters/FRJ, GMA News