Matapos ang limang araw na sunod-sunod na pagsadsad at pagtala ng record low laban sa US dollar, bahagyang nakabawi ang halaga ng piso sa pagsasara ng kalakalan sa merkado ngayong Biyernes.
Nadagdagan ng 36 sentimos ang lakas ng halaga ng piso nitong Biyernes para magsara sa P56.82:$1. Nitong Huwebes, naitala ang all-time low ng halaga ng piso sa P57.18:$1.
Inilarawan ni Rizal Commercial Banking Corp. chief economist Michael Ricafort ang paglakas ng piso bilang “healthy correction.”
“It's healthy downward correction of the US dollar versus major global currencies recently, as well as some measures by some Asian central banks to stabilize their respective local currencies after the recent increase in the US dollar amid hawkish signals from the Fed and the European Central Bank,” paliwanag niya
Sinabi naman ni Security Bank chief economist Robert Dan Roces, na ang pagbawi ng piso ay, “some end of the week positioning, as well as slight weakness of the US dollar.”
Ngayong 2022, umabot na sa P5.821 ang inihina ng piso laban sa US dollar. Nang matapos ang 2021, nasa P50.999:$1 ang palitan ng piso kontra dolyar.—FRJ, GMA News