Maaaring maging mas maganda ang Pasko ng mga Pinoy ngayong taon kaugnay sa pagharap sa COVID-19 pandemic, ayon sa OCTA Research Group.
Sa public briefing nitong Huwebes, sinabi ni Dr. Butch Ong, na mas may kaalaman na ngayon ang publiko sa pag-iingat laban sa virus kumpara noon.
“Our vaccination actually ay mas mataas na compared to last year, the number of vaccination is really higher, and ‘yung ating current variant, mostly asymptomatic to mild disease,” paliwanag ni Ong.
“Ang ating mga mamamayan ay more attuned na to the preventive measures for safety. Maaaring mas maganda ang ating Kapaskuhan ngayong taon na ito. ‘Wag lang tayo magpabaya sa ating mga safety measures,” paalala niya.
Kabilang sa minimum public health standards na patuloy na ipinapaalala ng Department of Health (DOH) ay patuloy na paggamit ng face masks.
Nitong Miyerkules, inihayag ng Malacañang na inirekomenda ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na gawin na lamang optional ang paggamit ng face masks sa open spaces o non-crowded outdoor areas na may mahusay na bentilasyon.
Maaari umano itong gawin kung patuloy na tataas ang COVID-19 booster sa bansa.
Base sa listahan ng national COVID-19 vaccination ng DOH, mayroong 72.6 milyon Filipino ang fully vaccinated laban sa COVID-19 hanggang nitong Martes, September 7. Sa naturang bilang, 18.3 milyon lang ang may booster shots. —FRJ,GMA News