Nauwi sa trahedya ang cruise vacation ng isang pamilya nang masawi ang isa nilang kasamang babae matapos atakihin ng pating habang nag-i-snorkeling sa Bahamas.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabi ng mga awtoridad na 58-anyos ang biktima, na mula sa Pennsylvania, USA.

Nag-i-snorkeling ang biktima, na bahagi ng kanilang cruise, nitong Martes ng hapon sa karagatang sakop ng Green Cay, malapit sa Nassau, na kabisera ng Bahamas.

"Tour operators along with family members attempted to rescue the female," ayon sa pahayag ng pulisya. "However, they were unsuccessful; which resulted in the female receiving serious injuries to the left side of her body."

Nang madala ang biktima sa pagamutan, wala na umano siyang "vital signs of life."

Sakay ng Royal Caribbean International ship Harmony of the Seas ang biktima at pamilya nito para sa seven-night cruise. Dumating sila sa Bahamas noong Martes ng umaga.

Ayon sa ulat, nakibahagi ang pamilya sa tinatawag ng cruise industry na "independent shore excursion," pero hindi raw iyon inorganisa o sponsored ng cruise line.

Kinumpirma ng Royal Caribbean, ang insidente at nagkakaloob umano sila ng suporta at tulong sa pamilya ng biktima.—AFP/FRJ, GMA News