Sinabi ni Finance Secretary Benjamin Diokno nitong Biyernes na pinag-aaralan ng pamahalaan kung papaano magagamit ang Philippine Identification System (PhilSys) o national ID sa pamamahagi ng cash transfer at subsidy program.
Sa deliberasyon sa Kamara de Representantes ng panukalang P5.268-trillion national budget para sa 2023, sinabi ni Diokno na habang dapat ipagpatuloy ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang social protection programs, dapat naman umanong itigil na ang pagbibigay ng "ayuda" na may kaugnay sa naranasang krisis sa bansa.
"I think that should already be discontinued because we have actually fully recovered and because of the limited fiscal space,” anang kalihim.
Dapat din umanong tugunan ang malaking problema sa "huge leakage" sa cash transfer programs na Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at unconditional cash transfers (UCT).
“The most efficient way to do this is by requiring all the citizens to have a national ID,” mungkahi ni Diokno.
“We are thinking along the lines of maybe limiting the beneficiaries to those who have national ID,” dagdag niya.
Magiging paraan din umano ito para mahikayat ang mga tao upang kumuha ng national ID.
Una rito, sinabi ng Philippine Statistics Authority (PSA) na minamadali nito ang paggawa ng (PhilSys) cards o National ID cards para makasunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.’ na magbigay ng 50 milyon IDs pagkatapos ng 2022.
Sa kaniyang unang State of the Nation Address, iniutos ni Marcos ang pamamahagi ng 30 milyong physical cards at 20 milyong digital PhilSys IDs para maabot ang target na 92 milyon sa kalagitnaan ng 2023.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, magbibigay ang pamahalaan ng nasa P206.50 bilyong “ayuda” na kinabibilangan ng cash transfers at iba pang subsidy programs ng iba't ibang ahensiya ng gobyerno sa susunod na taon.
Pinakamalaki ang 4Ps ng DSWD na may alokasyon na P115.61 bilyon para sa education at health grants, at rice subsidy sa 4.4 milyon tahanan.
“This is 7.3 percent higher compared to this year’s P107.67 billion, which will be used to support the improvement of data validation for the Listahanan 3 and thus ensure a better beneficiary targeting system,” ayon sa kalihim. —FRJ, GMA News