Inaasahan ang malakihang oil price hike sa susunod na linggo, partikular sa diesel na posibleng umabot sa P5 per liter.
Batay sa galaw ng presyuhan ng krudo sa world market nitong Agosto 22 hanggang 25, sinabi ng oil industry source sa GMA News Online na maaaring umabot ng P5.40 hanggang P5.70 kada litro ang madagdag sa presyo ng diesel.
Maglalaro naman sa P1.30 hanggang P1.60 per liter sa presyo ng gasolina.
Sa panayam sa telepono, kinumpirma ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad, na posibleng umabot nga ng higit P5 per liter ang itaas sa presyo sa diesel at tinatayang nasa P1 per liter naman sa gasolina.
Kabilang umano sa nakakaapekto sa pagmahal ng krudo sa world market ang tumataas na pangangailangan ng US at Europe sa produktong petrolyo na epekto pa rin ng Russia-Ukraine war.
Inaanunsyo ng mga kompanya ng langis sa Pilipinas ang pagbabago sa presyo ng mga produktong petrolyo tuwing Lunes, at ipatutupad ito sa Martes.--FRJ, GMA News