Hindi sumapat ang powers ni Jordan Clarkson para iahon ang Gilas Pilipinas sa kabiguan laban sa Lebanon sa pagbubukas ng fourth window ng 2023 FIBA Asia Cup Asian Qualifiers nitong Biyernes (Manila time).
Umarangkada sa kanilang hometown ang Lebanon sa huling bahagi ng labanan para imarka ang 85-81 na puntos at ipalasap ang kabiguan sa tropang Pilipinas.
Gaya nang inaasahan, ipinamalas ng Fil-Am at Utah Jazz star na si Clarkson ang kalidad niya bilang NBA player, na kumama ng 18 points sa first half pa lang.
Nagtapos ang unang yugto sa dikit na laban na 49-47, lamang ang Lebanon.
Pero naging malaking problema sa Gilas ang mga turnover, at nagtapos ang third quarter sa 68-63, pabor pa rin sa Lebanon.
Naidikit naman ng mga Pinoy ang iskor sa 71-71, na pinasarap pa ng matinding dakdak ni Kai Sotto.
Nakatikim din ng sapal mula kay Sotto si Ali Haidar, pero nakuha ng tropa ng Lebanon ang opensiba at pumukol ng three-pointer na nagpaguho sa tibay ng tropang Gilas, 83-78, bago tuluyang matapos ang laban.
Kumamada si Clarkson ng kabuuang 27-puntos, pitong assist at anim na rebounds. Nag-ambag naman si Dwight Ramos ng 18 puntos, at 11 naman kay Japeth Aguilar.
Ayon kay Gilas Pilipinas head coach Chot Reyes, ang kakulangan ng familiarity sa isa't isa ang dahilan ng maraming turnovers ng kaniyang mga manlalaro.
Lumitaw na 22 puntos ng Lebanon ay nagmula sa turnover ng Pilipinas na umabot sa 21.
Halos wala pang isang buwan na nagsanay na magkakasama ang team ng Gilas Pilipinas.
"I thought we battled hard, unfortunately we had too many turnovers. 21 turnovers really was the big difference in this ballgame," sabi ni Reyes. --FRJ, GMA News