Natunton ng mga awtoridad ang isang babae sa South Korea na pinaniniwalaang kamag-anak ng dalawang bata na nakita ang mga bangkay na nakasilid sa suitcases na nabinili ng isang pamilya sa online auction sa New Zealand noong nakaraang linggo.
Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing unang inihayag ng New Zealand police na tinatayang nasa pagitan ng edad na lima at 10 nang namatay ang dalawang bata.
Aksidenteng nakita ang mga bangkay nang manalo ang isang pamilya sa isinagawang subasta o auction sa inabandong nga gamit na nasa bodega sa New Zealand.
Hinihinala ng New Zealand police na maaaring ilang taon nang nasa bodega ang mga bangkay ng dalawang bata.
Ayon pa sa pulisya nitong Lunes, natunton sa South Korea ang isang babae na pinaniniwalaang kamag-anak ng mga bata.
"We confirm that she is in South Korea, and that she is a New Zealand national of Korean descent," sabi ng isang opisyal ng Korean National Police Agency sa AFP.
Dumating umano ang babae sa South Korea noong 2018, at mula noon ay hindi na umalis.
"New Zealand police are leading this investigation and we intend to cooperate at their request," ayon sa opisyal.
Masusi umanong sinuri ng forensic experts ang storage unit at property kung saan nakita ang mga suitcase na pinaglagyan sa bangkay ng dalawang bata.
Una nang nilinaw ng New Zealand police na walang kinalaman ang pamilyang nakabili ng mga gamit sa nangyari sa mga bata.— AFP/FRJ, GMA News