Inalis sa puwesto at pinalitan ang buong puwersa ng Paco Police Community Precinct (PCP) sa Maynila makaraang masangkot sa robbery-extortion ang tatlo nilang kasamahan. Ang mga inalis na pulis, sasailalim sa refresher course.
"Ngayong umaga po ay isa po diyan sa ire-relieve po ng ating district director ng MPD ay 'yun pong buong personnel ng Paco substation," ayon kay PNP chief Police General Rodolfo Azurin sa press conference nitong Lunes.
Ayon kay MPD spokesperson Police Major Philipp Ines sa panayam ng GMA News Online, nagkaroon na ng send-off ceremony sa mga inalis na pulis.
"Yes, sa Ermita Police Station 'yan. Paco PCP under the Ermita Police Station. Kanina nagkaroon tayo ng send-off ceremony… meron tayo doon kanina na 17," ayon kay Ines.
Pero paglilinaw niya, hindi sangkot sa alegasyon ng extortion ang inalis na pulis maliban sa tatlo nilang kasamahan.
Sasailalim umano ang 17 pulis, kabilang Paco PCP commander, sa refresher course sa Camp Bagong Diwa sa loob ng 45 araw.
Pagkatapos ng refresher course, hindi pa tiyak kung ibabalik sila sa Paco PCP ulit o ililipat sa ibang lugar.
Nadakip ang tatlong pulis-Paco na sangkot umano sa robbery-extortion noong nakaraang linggo sa Ermita. Nanghingi umano ng P2,000 ang mga suspek sa isang tricycle driver para hindi i-impound ang kaniyang sasakyan.
Ayon kay Ines, ang mga tauhan mula sa Mobile Force Battalion ang ilalagay muna sa Paco PCP.
Nagbabala naman si Azurin laban sa mga pulis na masasangkot sa iregularidad sa harap ng isinasagawa nilang "internal cleansing" sa PNP.
"And there are other units that will succeed sa mga series of relief just to emphasize po na hindi po tayo nag bibiro sa ating internal cleansing," anang opisyal.
Pinayuhan din ni Azurin ang ibang pulis na bantayan ang kanilang hanay.
"Bantayan po natin ang mga kasamahan natin at we caution them kung sila man po ay gumagawa ng hindi maganda at hindi naaayon sa mandato na dapat natin, dapat nilang gawin bilang pulis, then they should be out, they should be relieved, and they should be sent to training," dagdag ng opisyal.—FRJ, GMA News