Babawiin sa pamamagitan ng "refund" ang cash educational assistance na "maling" naibigay sa mga benepisyado ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), ayon kay Social Welfare Secretary Erwin Tulfo.
Sa tweet ni Cedric Castillo ng GMA News, sinabi umano ni Tulfo nitong Lunes na kakaltasin sa susunod na bigayan ng regular na ayuda sa 4Ps ang mga nabigyan ng educational ayuda noong Sabado.
"Pero hindi naman biglaan," ani Tulfo tungkol sa gagawing refund.
Una rito, sinabi ni Tulfo na hindi na kasali sa educational ayuda ang mga mag-aaral na kasama sa pamilyang benepisyado ng 4Ps.
Dumagsa sa mga tanggapan ng DSWD noong Sabado ang mga estudyante, magulang o guardian para makakuha ng pinansiyal na tulong para sa edukasyon mula sa pamahalaan.
P1,000 ang matatanggap ng hikahos na mga mag-aaral sa elementarya, P2,000 sa high school students, P3,000 sa senior high school students, at P4,000 naman sa college students o nasa vocational courses.
Hanggang tatlong mag-aaral sa isang pamilya ang maaaring makatanggap ng ayuda.
"We were overwhelmed and did not expect the turnout," pag-amin ni Tulfo sa pagdagsa ng mga tao sa ilang tanggapan ng DSWD, kabilang sa kanilang main office sa Quezon City.
Humingi ng paumanhin ang kalihim sa mga pumila pero hindi nabigyan ng ayuda.
"So to those who came and went home empty-handed that day, [I offer you] my sincerest apologies," ani Tulfo. "For those parents who were not able to receive cash aid, we assure you that you will get your child's educational assistance sooner but not later than September 24." —FRJ, GMA News