Inihayag ng Philippine Statistics Authority (PSA) na higit P8,000 kada buwan ang kailangang budget ng isang pamilya na may limang miyembro para sa pagkaing abot-kaya at sapat sa nutrisyon na tatlong beses sa isang araw. Pero mahirap daw itong "lunukin," ayon kay Batangas Representative Ralph Recto nang himayin niya kung magkano papatak sa isang tao ang naturang halaga.

Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez, sinabi ng PSA na kailangan ng isang pamilya na may limang miyembro ang kita na nasa P8,379.00 bawat buwan para sa pagkaing abot-kaya at sapat na nutrisyon, o tinatawag na daily food threshold.

Mas mataas ang itinakda sa mga nakatira sa Metro Manila na umaabot sa P9,600.00 kada buwan.

Ngunit para kay Rep. Recto, mahirap lunukin ang numerong inilabas ng PSA dahil kapag kinuwenta,  lalabas umano na P279 kada araw o P93 para sa bawat kain ng limang tao o P18 bawat isang tao, ang halagang nabanggit.

Kung malalampasan daw ito, sinabi ng kongresista sa isang pahayag na hindi ka na ituturing na “food poor” o nagugutom ang isang pamilya.

"I am fan of PSA reports, a devotee of their studies, a champion of their mandate, but this one I find hard to swallow," sabi ng dating senador. "Even if it was taken in 2021, a Nobel winner in kitchenomics would find it hard then to whip up a meal for five that would meet nutritional standards on a  ?93 budget."

Sa ulat, isang ginang ang namili ng mga pagkain para sa kaniyang pamilya na lima ang miyembro na para na sa loob ng dalawang linggo.

Umabot umano ang pinamili ng ginang sa halagang P5,000, o pumapatak sa P357 sa isang araw. Pero kadalasan daw na mas malaki pa ang kaniyang nagagastos sa pagkain kahit nagtitipid na.

Sa pahayag, sinabi ni Recto na hindi niya alam kung ano ang mga lutuin na pinagbatayan ng PSA sa inilabas nilang halaga bilang budget sa pagkain.

"Even if that amount would be adjusted for inflation, in this era of  ?400-a-kilo onions, I don’t think that ?93 would be enough for one family super tipid meal," anang mambabatas.

Dahil dito, nagtatanong si Recto kung nakukuha ba talaga ng PSA ang tunay na bilang ng mga nagugutom at naghihirap sa bansa.

Nilinaw naman ng National Economic and Development Authority (NEDA) nitong Biyernes na ang halaga na binanggit kung magkano ang kailangan para sa desenteng pagkain ng pamilyang may limang miyembro ay hindi umano para sa pagtukoy sa kalagayan ng pamumuhay ng isang pamilya.

Sa public briefing sa state-run PTV, sinabi ni NEDA Undersecretary Rosemarie Edillon na ang halaga na binanggit ng PSA ay isa lamang umanong metric para alamin ang mahihirap.

“Ibig sabihin lang po is kung ‘yung kita mo will not even be able to afford that ay talaga po poorest of the poor kayo,” ayon kay Edillon.

“Wala po kaming ginagawang judgment as to komportable ba 'yung nagiging buhay. Sa pagkakataya po ng ating nutritionists, ito 'yung amount you need so that you are able meet 'yung basic requirements: recommended daily allowance for energy and then also for micronutrients," dagdag niya. --FRJ, GMA News