Inihayag ng Department of Health (DOH) nitong Biyernes ang dalawang panibagong kaso ng monkeypox sa Pilipinas.

Sa press briefing, sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na ang dalawang bagong kaso ay may edad na 34 at 29.

Pareho silang nagpunta sa bansang may kompirmadong kaso ng monkeypox .

Hindi na nagbigay ng iba pang detalye si Vergeire tungkol sa mga pasyente.

Dahil dito, umakyat sa tatlo ang kumpirmadong kaso ng monkeypox sa Pilipinas.

Isang 31-anyos na pasyente ang unang kaso ng monkeypox sa bansa na inanunsyo ng DOH noong nakaraang buwan.

Ayon kay Vergeire, gumaling na at nakalabas na sa isolation ang pasyente noong Agosto 6.

Samantala, sinabi ni Vergeire na lumabas ang positive PCR result ng bagong kaso na 34-anyos na pasyente noong Agosto18. Samantalang Agosto 19 naman ang resulta ng PCR test ng 29-anyos na pasyente.

Naka-home isolation ang 34-anyos na pasyente habang patuloy ang isinasagawang contact tracing.  Nasa isang healthcare facilty naman ang 29-anyos na pasyente.

Nasa 17 na close contact ang beneberipika ngayon, ayon sa opisyal.

Kabilang sa mga sintomas ng monkeypox ang lagnat, sakit ng ulo, sakit sa kalamnan, rashes, pamamaga at masakit na kulane.—FRJ, GMA News