Makaraang ang pitong linggong sunod-sunod na price rollback, asahan naman ng mga motorista ang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Ayon sa oil industry source ng GMA News Onlines, batay sa naging takbo ng kalakalan sa krudo sa world market nitong nakalipas na apat na araw, posibleng umabot sa P2.00-P2.20 per liter ang madagdag sa presyo ng diesel sa susunod na linggo.
Samantala, 10 hanggang 30 sentimos naman per liter ang maaaring madagdag sa presyo ng gasolina.
Ang inaasahang paggalaw sa presyo ng mga produktong petrolyo ay maaari pa umanong magbago depende sa kalalabasan ng kalakalan sa world market sa Biyernes.
Sa panayam ng Super Radyo dzBB, kinumpirma ni Department of Energy Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero, na maaaring higit P2.00 per liter ang itaas sa presyo ng diesel at kerosene sa susunod na linggo.
Samantala, nasa 25 sentimos naman per liter ang maaaring madagdag sa gasolina.
“[Ang] kadahilalanan lumaki ang pagbaba sa imbentaryo ng krudo ng United States,” ayon kay Romero.
“Andun pa rin sa isyu ng tightness ng supply [dahil sa] geopolitical conflict such as the Russia-Ukraine war,” dagdag ng opisyal.— FRJ, GMA News