Sa harap ng petisyon sa Korte Suprema na ipatigil ang no-contact apprehension program (NCAP), nanindigan ang mga alkalde sa Metro Manila sa pagpapatulad ng kontrobersiyal na programa sa kalye.
Sa joint statement na inilabas ng mga alkalde na umiiral ang NCAP sa kanilang nasasakupan, iginiit nila na ipagpapatuloy nila ang mga programang magpapahusay sa kani-kanilang infrastructure at road conditions upang mas maging ligtas sa kanilang mga kababayan.
“We, the undersigned Local Chief Executives, have joined together on a common stance to continue the implementation of NCAP within our respective territorial jurisdictions,” anang mga alkalde.
Iginiit din nila na hindi inaalisan ng due process ang mga nahuhuling motorista sa NCAP dahil may traffic adjudication boards ang mga LGU sakaling hindi sila sang-ayon sa ginawang paghuli sa kanila.
“We, therefore, collectively urge all relevant government agencies stand with us in pursuing and continuously innovating this international-proven program for effective traffic management,” ayon sa pahayag.
Ang pahayag ay pirmado nina Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian, Parañaque City Mayor Eric Olivarez, Quezon City Mayor Joy Belmonte, Manila Mayor Maria Sheila Lacuna, at San Juan City Mayor Francis Zamora.
Una rito, naghain ng petisyon sa SC ang ilang transport group at hiniling sa mga mahistrado na maglabas ng temporary restraining order laban sa NCAP.
Pinagkokomento ng SC ang mga lokal na pamahalaan na may NCAP, pati na ang Land Transportation Office (LTO), kaugnay sa naturang petisyon.
Nauna nang sinabi ni LTO chief Teofilo Guadiz III, na hindi sila bahagi sa implementasyon ng NCAP. Tumutulong lang umano ang tanggapan sa pag-alarma ng mga sasakyang may huli ng NCAP kapag magpaparehistro.
Hiniling din ng LTO sa LGUs at sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ipagpaliban ang implementasyon ng NCAP habang nirerepaso ang mga patakaran nito.
Mayor Biazon, 'di pumirma
Nilinaw naman ni Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon na hindi siya pumirma sa pahayag ng Metro Manila mayors na may NCAP dahil hindi pa ganap na ipinatutupad sa kaniyang lungsod ang programa.
Sa Facebook post, sinabi ni Biazon na naaprubahan ng dating liderato ng Muntinglupa ang ordinansa at kontrata sa NCAP.
“Ganunpaman, nakikiisa ako sa layunin ng mga mayor ng Manila, Valenzuela, Parañaque, Quezon City at San Juan na gumamit ng teknolohiya para mabigyan ng makabagong solusyon ang problema sa traffic,” paliwanag ng alkalde.
“Naniniwala ako na ang makabagong paraan na ito, bukod sa magbibigay solusyon sa pagdidisiplina sa mga gumagamit ng kalsada, mababawasan, kundi tuluyang matatanggal, ang pagkakataon ng pangongotong at makakadagdag sa revenue ng lokal na pamahalaan,” dagdag niya.
Ayon kay Biazon, sinusuri pa ng kaniyang administrasyon ang implementing rules and regulations ng programa ng NCAP na ipatutupad sa kanilang lungsod.
"Idadagdag natin ang mga argumento, points of view at legal opinions na lumalabas dulot ng kontrobersya ngayon sa ating pag-aaral tungo sa isang mas balansyado, patas, makatarungan at tapat na programa," pagtiyak ng alkalde.--FRJ, GMA News