Inihayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magbibigay ito ng pinansiyal na tulong sa mga mahihirap na mag-aaral tuwing Sabado hanggang sa September 24, 2022.
Sa Palace briefing nitong Huwebes, sinabi ni DSWD Secretary Erwin Tulfo, na P1,000 ang matatanggap ng hikahos na mga mag-aaral sa elementarya, P2,000 sa high school students, P3,000 sa senior high school students, at P4,000 naman sa college students o nasa vocational courses.
Hanggang tatlong mag-aaral umano ang maaaring maging benepisyado sa isang pamilya.
“This program is aimed to help our indigent students all over the country, which means to say children coming from poor families will be given cash assistance to buy their school supplies or whatever that they need in school,” ayon kay Tulfo.
Ang mga nais na makinabang sa programa ay kailangan magpunta sa tanggapan ng DSWD at dalhin ang kanilang enrollment certificate at school ID.
Ayon kay Tulfo, bukas ang DSWD central office ng 7 a.m. habang ang mga regional, provincial, at satellite offices ay bukas ng 8 a.m.
“Ngayon, sino po ba ang pupuwede? Lahat po ng mga bata, anak ng mahihirap. Hindi lamang po solo parent. Halos lahat na po kasi,” paliwanag ni Tulfo.
Sinabi rin ng kalihim na pasok sa programa ang mga kalipikado sa 4Ps program.
Ayon pa kay Tulfo, maaaring kunin ng mga magulang ng elementary at high school students ang cash assistance kahit hindi kasama ang mga bata. Habang puwedeng kumuha ng kanilang ayuda ang high school students at college students.
Ang mga interesado ay maaaring mag-walk in o magpa-appointment.
“Pero we advise na mas maganda siguro na kayo ay mag-email na lamang muna sa amin. Don’t worry ho bayan, nakasugbi na ho 'yung budget, hindi kayo mauubusan niyan kasi we save around P500 million na pondo,” anang kalihim.
Umaasa naman si Tulfo na tanging ang mga talagang nangangailangan ang pipila para sa naturang tulong pinansiyal.
“Ang question is, papaano natin malalaman? We are hoping na only indigents. Siguro naman ho ‘yung may mga pera hindi na magpupumila diyan ng six hours para makakuha ng pambayad ng 'ika nga uniporme o school supplies,” pahayag ng kalihim.
Nilinaw din ni Tulfo na hindi na kailangan ang certificate of indigency mula sa barangay.
“Dati po may ganon. Ang problema po... inaalis natin muna ‘yon. Iba-bypass muna natin ‘yung mga indigency kasi napupulitika. That is very unfortunate,” paliwanag niya.
“Mas marami nakakarating na reklamo, sumbong sa akin na namimili po… pinipili po na bibigyan ni chairman o ng barangay kagawad o sa Office of the Mayor ng indigency. Kung hindi po bumoto ‘yung pamilya hindi po nabibigyan,” dagdag ni Tulfo.—FRJ, GMA News