Arestado ang isang lalaki matapos magpanggap na may koneksiyon siya sa Philippine National Police, at nanghihingi umano pera sa mga taong gustong magtrabaho sa ahensiya, gaya ng mga gustong maging pulis.
Sa ulat ni John Consulta sa "24 Oras," kinilala ang suspek na si Wendell Montecillo, na dinakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation Special Task Force sa isinagawang entrapment operation.
Sinabi ng NBI na modus ng suspek na magpakilalang may kapit na abogado na konektado umano sa isang mataas na opisyal ng PNP.
"Sinabi niya na kapalit ng malaking halaga ay hindi na niya kakailanganing mag-go through the regular process. Mapapadali umano ang kaniyang pag-a-apply at pagsa-submit ng requirements kung magbabayad," sabi ni NBI spokesperson Atty. Giselle Garcia-Dumlao.
Umabot umano sa P100,000 ang naibigay ng biktimang criminology graduate kay Montecillo.
Ngunit inipit pa ng suspek ang biktima dahil umano sa kasong kinasangkutan nito.
"Vinerify din natin sa PNP na wala namang application na ganu'n. Na-verify natin na itong taong ito ay may isang kaso ng qualified theft. Ang ating suspek ay nahuli natin na tumatanggap ng additional na hiningi niyang pera during the entrapment operation," ayon kay NBI Special Task Force chief Atty. Bernard Dela Cruz.
Sinisikap pa ng GMA News na makuha ang pahayag ng suspek na nahaharap sa estafa at robbery-extortion, ayon sa ulat. --Jamil Santos/FRJ, GMA News