Dapat maglatag na ng programa ang bansa sa tumataas na populasyon ng mga nakatatandang Pinoy. Kabilang na rito ang pagtatayo ng mga care facility at dagdag na oportunidad sa mga nais pang magtrabaho, ayon sa Commission on Population and Development (POPCOM).

"What we need are programs to achieve active and healthy aging. Kasama rito ang mga community-based rehabilitation program. We also need programs for geriatric care as we have an increasing number of older citizens,” mungkahi ni POPCOM Executive Director Juan Antonio Perez sa public briefing na ipinalabas sa state-run PTV nitong Miyerkules.

Mula sa 4,565,560 na Pinoy na higit 60 ang edad noong 2000, ngayon ay umabot na ang populasyon nito sa 9,222,672, ayon sa POPCOM report.

Inaasahan ng komisyon ang pagtaas pa ng bilang ng mga nakatatanda mula 2035 hanggang 2040 na aabot 19 na milyon. Sapat na raw ito para matawag ang populasyon ng bansa na "graying."

“Eventually, kapag talagang dumadami na, let’s say beyond 10 million ang population, we also have to develop programs for their care, either sa bahay o institutions. That is something that the country has to decide,” ani Perez.

Dapat din umanong talakayan ng Kongreso ang pagbuo ng mga patakaran tungkol sa pagkakaloob ng trabaho sa mga nakatatanda na nais pang magtrabaho.

Ayon kay Perez, nasa 20% lang ng senior citizens sa bansa ang nakatatanggap ng pensyon. Habang ang iba ay umaasa lang sa suportang pinansiyal ng mga kamag-anak.

“We also have to think about policies on employment of older persons. Pag-isipan, do we need to bring up the retirement age that is something na puwedeng pag-usapan ng Kongreso and also to look part-time work for older citizens?” paliwanag niya.— FRJ, GMA News