Nakuha na ang bangkay ng isang 16-anyos na lalaki na ilang araw nang nawala matapos mahulog sa malalim na hukay sa construction site sa center island ng EDSA-North Avenue sa Quezon City.

Ayon sa ulat ni Allan Gatus sa DZBB, kinilala ang biktima na si Raniel Riano, na nakatira umano ang pamilya sa bahaging iyon ng EDSA.

Ilang oras na pagsisikap ng Special Rescue Unit ng Bureau of Fire Protection at Metro Manila Development Authority, na makuha ang bangkay ng binatilyo na nangangamoy na.

Ayon sa BFP, ilang beses nilang tinangkang kunin ang bangkay ngunit dahil sa lalim ng hukay at masangsang na amoy, hindi ito naging madali.


Sinabi umano ng ina ng binatilyo na apat na araw nang nawawala ang kaniyang anak. Hanggang sa napansin niya nitong umaga ang tsinelas na gamit ng anak malapit sa malalim na hukay kung saan nakita ang kaniyang bangkay.

Hinala ng ina, maaaring inatake ng epilepsy ang kaniyang anak kaya nahulog sa hukay.

Ayon naman sa mga awtoridad, nagmistulang balon ang hukay dahil sa dami ng tubig. Doon umano naliligo at naghuhugas ng kamay ang mga palaboy kaya natanggal ang net o harang sa hukay.

Nagsasagawa naman ng imbestigasyon ang mga tauhan ng Scene of Crime Operations (SOCO) sa pinangyarihan ng insidente.--Sherylin Untalan/FRJ, GMA News