Dahil native sa South America, itinuturing na peste ang janitor fish sa Pilipinas na isa sa mga dahilan ng pagkaunti ng mga isda sa ilang mga ilog. Kaya ang mga taga-Bukidnon, humanap ng solusyon at ginawang pagkain ang mga ito.

Sa iJuander, sinabi ni Democrito Minoza, Presidente ng Panadtalan fisherfolk, na mula noong 80's hanggang 2015, wala pang mga janitor fish sa Pulangi River, na panglimang pinakamahabang ilog sa Pilipinas at pinagkukunan ng pangkabuhayan ng mga mangingisda sa Maramag.

Ngunit nabawasan ang mga isda sa pagdating ng mga janitor fish.

Paliwanag ng ichthyologist na si Kent Sorgon ng Institute of Biological Sciences sa University of the Philippines Los Baños, hindi native sa Pilipinas ang janitor fish at mabilis itong dumami dahil walang ibang isda na kumakain dito.

Likas na matigas ang kaliskis ng mga janitor fish, na nakarating sa mga katubigan ng Pilipinas dahil sa mga iresponsable umanong pet owner na pinakawalan ang mga ito.

At dahil invasive species, nakikipagkumpitensya ang mga janitor fish sa native species sa Pilipinas.

Ayon naman kay Senior Science Research Specialist Josefina Gonzales RND mula sa Department of Science and Technology - Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI), ligtas kainin ang janitor fish dahil wala itong lason.

Tunghayan sa iJuander ang panghuhuli ng mga taga-Bukidnon ng janitor fish, at ang pagluluto nito sa isang masarap na Linarang.

 

—LBG, GMA News