Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang isang 14-anyos na binatilyo na naligo sa isang ilog sa Barangay Batasan Hills, Quezon City noong Martes at hindi na nakauwi.
Iniulat sa Unang Balita nitong Miyerkules ni James Agustin na pinaghahanap ng mga rescuer ang binatilyong si Shelwin Steve Maga simula pa noong Martes nang gabi, ngunit bigo silang makita dahil madilim ang lugar kung saan huling nakita ang biktima.
“Wala akong tulog kasi iniisip ko ano’ng nangyari sa anak ko. Sa totoo lang ‘yang ilog mababaw lang ‘yan hanggang tuhod lang ‘yung ilog eh. Pero ‘pag umapak ka parang malusak siya,” ani Maricris Arce, ina ni Shelwin.
Dagdag niya, nalaman na lamang nila ang insidente nang pumunta sa bahay nila ang mga kaibigan ni Shelwin at ibinigay ang damit na dilaw, tsinelas, at face mask ng binatilyo.
Hindi rin umano nagpaalam ang binatilyo na maliligo sa ilog at nakita pa siya bandang 11 a.m. noong Martes.
Kwento naman ng mga kaibigan ni Shelwin, nagkayayaan umano silang maligo sa ilog. Napansin nila na nakaupo lang sa isang gilid ang binatilyo ngunit bigla umano itong nawala.
Sinubukan nilang hanapin si Shelwin mula 4 p.m. hanggang 7 p.m. ngunit hindi nila siya mahanap.
Ayon naman sa isang barangay official, pumunta ang tiyahin ni Shelwin upang iulat ang insidente at agad din silang pumunta sa ilog para hanapin ang binatilyo.
“Ang [dala-dala] kasi nung mga kasama niyang bata ‘yung tsinelas na lang at saka ‘yung damit,” pahayag ni Thelma Joven, barangay desk officer.
Agad ding ipinatawag ang mga batang nakasama ni Shelwin na maligo sa ilog.
“Almost two hours nilang hinintay doon sa area (si Shelwin),” ani Joven.
Paglilinaw ng barangay, hindi pinapayagan ang paliligo sa ilog ngunit may mga bata pa ring nagtutungo roon.
Ipinagpatuloy ng mga rescuer dakong alas-otso ng umaga ngayong Miyerkules ang paghahanap.
Pinapayuhan ang sinumang may impormasyon o nakakita kay Shelwin na ipagbigay-alam sa mga awtoridad o kaya’y kontakin ang ina niya sa 0930 530 6061. —Alzel Laguardia/LBG, GMA News