Hinahanapan ng mga aampon ang mahigit 4,000 beagle na sinagip ng animal rescue organizations at sinimulan nang alisin sa Virginia facility sa Amerika. Ang mga aso, pinaparami para ibenta sa mga laboratoryo at gamitin sa drug experiments.

"It's going to take 60 days to get all of these animals out, and working with our shelter and rescue partners across the country, working with them to get these dogs into eventually into ever-loving home," sabi ni Kitty Block, president and chief executive ng US Humane Society sa ulat ng Reuters.

Nagsimula nang tumanggap ng mga aso ang mga shelter sa South Elgin, Illinois, at Pittsburgh. Sasailalim sa medical exams, vaccinations at iba pang treatments ang mga aso bago sila ibigay sa mga aampon sa kanila.

Noong Mayo, inihabla ng US Department of Justice ang Envigo RMS LLC sa Cumberland, Virginia dahil sa umano'y paglabag sa Animal Welfare Act. Noong June, inihayag ng parent company na Inotiv Inc NOTV.O na isasara na nila ang pasilidad.

Nitong July, nakipag-areglo ang Envigo sa pamahalaan pero walang binayarang multa.

Hindi pa umano nagbibigay ng komento ang Inotiv, ayon sa ulat.

Sa pahayag ng Humane Society, sinabing natuklasan ng government inspectors na pinapatay ang mga beagle. Hindi rin umano pinapakain ang mga mother beagle na nagpapasuso ng tuta.

Ang pagkain na ibinigay sa mga aso, may dumi, amag at uob umano. Sa loob ng walong linggo, nasa 25 tuta ang namamatay dahil sa lamig.

May mga aso rin na may sugat matapos atakihin ng kapuwa aso dahil sa kanilang pagsisiksikan sa pasilidad.

Ayon kay Senator Bill Stanley, Republican mula sa Virginia, noon pa raw nila tinangkang sagipin ang mga aso.

"I tried to shut them down in 2019, but was not successful. But over the years, we never stopped fighting," pahayag niya. -- Reuters/FRJ, GMA News