Hiniling ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers sa Kamara de Representantes na imbestigahan ang mga reklamo ng ilang tsuper at mga motorista laban sa No Contact Apprehension Policy o NCAP na ipinatutupad na sa ilang lungsod sa Metro Manila.
Sa kaniyang privilege speech nitong Martes ng gabi, ipinaliwanag ng kongresista na kailangan ding alamin ng Kamara kung naayon sa batas ang NCAP na ipinatupad ng LGUs at Metro Manila Development Authority (MMDA).
Bagaman maganda umano ang layunin ng NCAP para madisiplina ang mga motorista at mga tsuper, sinabi ni Barbers na kailangan matiyak na hindi magagamit o maabuso ang programa.
“This NCAP system is laudable since the intent is to discipline erring, abusive or wayward drivers. But the implementors, I was told, are imposing excessive fines and could be violating the Constitution since there is no due process of law," ayon sa kongresista.
"Likewise, there is no law, ordinance, or regulation prohibiting vehicle registration due to non-payment of fines for traffic violations,” patuloy niya.
Dahil sa pangalan ng nakarehistro sa sasakyan ang pinapadalhan ng sulat kapag nahuling lumabag, nais din malaman ni Barbers kung sino ang padadalhan ng sulat kapag "red plate" o sasakyan ng gobyerno ang nahuli sa NCAP.
Pinuna rin ni Barbers na ang MMDA lang ang tanging lugar kung saan makakaapela ang driver na may reklamo sa ginawang paghuli sa kaniya.
"MMDA would be the only forum where drivers can file their grievances, complaints, and protests, then the agency would virtually become the accuser, judge and executioner," sabi pa ng mambabatas.
Una rito, hiniling ng Land Transportation Office (LTO) sa mga lokal na pamahalaan na suspendihin muna at repasuhin ang NCAP dahil sa hinaing ng mga operator ng public utility vehicle tungkol sa pagbabayad ng multa sa traffic violations na gawa ng kanilang mga tsuper.
Ipinaliwanag ng LTO, na ang LGUs at MMDA ang nagpapatupad ng NCAP. Tumutulong lang umano ang LTO sa pamamagitan ng pagpapadala ng alarma tungkol sa sasakyan na may traffic violation.
Sa isang pahayag nitong Miyerkules, inihayag ng MMDA na tanggap nila ang pagkakaroon ng imbestigasyon ng Kongreso sa NCAP.
Sinabi rin ng MMDA na iginagalang nila ang awtonomiya ng LGUs sa paggawa at pagpapatupad ng sarili nilang traffic regulations.
“The Authority welcomes the call for legislative investigation on its NCAP which have been in place since 2016 and will definitely cooperate with other branches of government and agencies to ensure a more efficient and orderly implementation of the said policy,” anang MMDA.
Tutol naman ang mga alkalde sa Metro Manila na ipatigil ang NCAP. --FRJ, GMA News