Napawalang sala ang isang babae sa kasong kidnap for ransom matapos ang 17-taon na pagkakulong. Ang ginang, nagkaroon ng bagong pag-asa nang mabigyan ng trabaho sa karinderya.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing nadakip noon si "Pops" noong Marso 2004 kasama ang kaniyang nobyo dahil nabanggit na kaso.
Hindi lubos inakala ni Pops mag-uumpisang magbago ang kaniyang buhay sa kulungan.
"Inisip ko 'yung anak ko, magulang ko, sobrang tanda na nila, may mga sakit pa. Namatay na rin 'yung tatay ko, hindi na niya kinaya 'yung nangyayari. Nahirapan po ako sa sitwasyon ko. 'Yung pangungulila ko sa kanila sobrang hirap," sabi ni Pops.
Edad 27 lang noon si Pops nang makulong, samantalang anim na taong gulang pa lang noon ang anak niya.
Naiisip ni Pops na sumuko na kung minsan, ngunit nakahanap si Pops ng suporta mula sa mga kapwa PDL.
Sumali si Pops sa mga programa tulad ng pagsasayaw at pagkanta para maiwasang mag-isip ng hindi maganda.
Hunyo ng 2021 nang mapawalang sala si Pops sa kaso, o katumbas ng 17 taon na pagtitiis sa likod ng rehas at ang buhay sa loob.
"Ang inisip ko, paano ako magsisimula? Ano po ba ang magagawa ko? Saan ba ako pupunta? Sino ba ang taong puwedeng makatulong sa akin para makapagsimula ulit ako?" sabi ni Pops.
Nabigyan si Pops ng bagong pagasa at simula sa isang karinderya na pagmamay-ari ng kaniyang abogadong si Atty. Juman Paa sa Pasay City.
"Isa sa mga kinuha kong pro bono case itong si Pops, ang kauna-unahang pro bono case ko. Dahil nakikita ko nagsasabi siya ng totoo kaya hinandle ko 'yung kaso niya nang walang bayad," sabi ni Atty. Paa.
Nag-umpisa ang konsepto sa food vlog ni Atty. Paa kasama ang kaniyang barkada, kung saan prayoridad nila na tanggapin sa trabaho ang mga dating PDL.
"Naisip ko, bakit hindi mga PDL o ex-convict 'yung gamitin ko para mabigyan sila ng opportunity na paglabas nila sa kulungan, meron silang silbi sa ating society. Although ang alam natin ang pagtanggap sa mga katulad nila hindi ganoon ka-welcome talaga," sabi ni Atty. Paa.
Isa si Pops sa mga punong abala sa pagluluto.
"Hanggang ngayon hindi pa po ako nakakapag-move on. Hindi ko pa po alam kung paano ko [ibabangon] ang sarili ko," sabi ni Pops, na sinusubukang limutin ang madilim niyang nakaraan.
Kumikita na ngayon si Pops, na ipinangtutustos niya sa mga personal na pangangailangan.
Inilalaan nina Pops ang bahagi ng kita ng karinderya sa mga outreach program, kung saan bumibisita sila sa iba't ibang kulungan para magpakain ng mga PDL kada dalawang linggo.
Inspirasyon ni Pops, na 46 anyos na ngayon, ang kaniyang pamilya sa kaniyang muling pagbangon.
"Kahit galing po ako sa loob, sana po huwag po kayong humusga dahil hindi naman po lahat ng nakakulong ay masama. Andoon pa rin 'yung puso bilang tao," sabi ni Pops. —LBG, GMA News