Inihatid na sa kaniyang huling hantungan sa Libingan ng mga Bayani nitong Martes si dating Pangulong Fidel V. Ramos.

Sa kaniyang libing, iginawad kay Ramos, ika-12 pangulo ng bansa, ang state funeral with full military honors.

Matapos ang misa sa Heritage Park, sinimulan ang paghahatid sa mga abo ni Ramos patungo sa Presidential Section Gravesite dakong 10:15 am.

Kabilang sa mga nakipaglibing si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.

Ang bagong talagang Armed Forces of the Philippines chief na si Lieutenant General Bartolome Vicente Bacarro ang nag-abot kay dating First Lady Amelita Ramos ng watawat ng bansa na ginamit sa libing ng dating pangulo.

Sa funeral procession, naghulog ng rose petals ang Philippine Air Force chopper.

Matapos ang libing, nagbigay ng mensahe ang dating First Lady na si Amelita upang pasalamatan ang mga nakidalamhati at nagpakita ng suporta sa kanilang pagdadalamhati.

Ibinahagi rin niya ang kanilang naging "adjustments" sa pamilya noon dahil sa pagiging militar ng kanilang padre de pamilya.

"Alam ninyo, mahirap ang buhay sa military pero kinaya namin. Tumulong si President Ramos, kayang-kaya niya. At he was able to raise five daughters, eight grandsons and five granddaughters," sabi ni Gng. Ramos.

Ayon sa pamilya, noong nabubuhay pa ay binisita mismo ni Ramos ang Libingan ng mga Bayani para alamin ang lugar kung saan siya ililibing.

Napapalamutian ng mga halaman at bulaklak ang puntod ni Ramos mula sa Ming's Garden ng dating First Lady.

Ilan sa mga awitin na pinatugtog ay hiling umano ng dating pangulo, kabilang ang "Alerta Filipinas," "Maalaala Mo Kaya," "How Great Thou Art," at "The Lord's Prayer."

Pumanaw si Ramos noong July 31 dahil sa komplikasyon sa COVID-19. Isinilang siya noong March 18, 1928, sa Lingayen, Pangasinan, mula sa kaniyang mga magulang na sina Narciso Ramos, isang diplomat at mambabatas, at Angela Valdez, na isang guro.

Naging bahagi ng buhay militar ni Ramos, nagtapos sa US Military Academy sa West Point, ang pagsabak sa Korean at Vietnam wars. —FRJ, GMA News