Naaresto na ang suspek sa pagpatay sa isang babae sa East Service Road sa Sucat, Muntinlupa noong nakaraang linggo. Ang biktima, tinangay ng suspek habang naglalakad at kausap noon sa cellphone ang nobyo.
Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing naaresto ng mga awtoridad ang suspek na hindi muna pinangalanan sa isinagawang manhunt operation.
Ayon kay Muntinlupa Police chief Police Colonel Angel Garcillano, batay sa testimonya ng ilang testigo, biglang nawala umano ang suspek sa lugar kung saan nangyari ang krimen.
Nag-iba rin umano ito ng hitsura at pininturahan din ang kariton na gamit nito para malito ang mga awtoridad.
“Normal naman po iyan dahil alam nila ang ginawang kasalanan sa batas. Ang na-recover na pagpatay sa suspek ay 2x2 na kahoy. Lumalabas na kapag nagkaroon tayo ng comparison ganitong-ganito ang kulay, porma at size na ginamit doon sa pagpatay,” ayon kay Garcillano.
Nitong nakaraang Agosto 2 nang makita sa malalim na bahagi ng East Service Road ang bangkay ng biktimang si Aira Garcia.
Duguan ang biktima at walang saplot pang-ibaba.
Ayon sa nobyo ng biktima na si Virgilio Esguerra, magkausap sila ni Aira sa cellphone nang bilang niyang madinig ang kasintahan na humingi ng tulong.
Kaagad na tinawagan ni Esguerra ang kapatid ni Aira, na siya namang dumulog sa barangay para hanapin ang biktima.
Gayunman, patay na si Aira nang mahanap ng mga awtoridad.
Ayon kay Garcillano, posibleng may gusto ang suspek sa biktima na laging dumadaan sa lugar kung saan ito madalas na nakapuwesto.
“Since ‘yung biktima nga ay laging dumadaan sa area at napa-pattern niya, nasusundan niya, siguro ito yung naging kumbaga object ng kanyang passion,” anang opisyal.
“Parang mayroon siyang mental disorderliness. Parang hindi siya yung normal na tao na mayroon normal na pag-iisip and likewise yung possibility na siya ay may influence of liquor that time ay talagang taglay niya,” dagdag niya.
Itinanggi umano ng suspek ang paratang, ayon sa ulat.
Inaalam naman ng mga awtoridad kung may iba pang sangkot sa nangyaring krimen.--FRJ, GMA News