Sinasabing bumagsak sa karagatan ng Pilipinas-- malapit sa Puerto Princesa, Palawan-- ang ilang bahagi ng rocket ng China. Bago nito, nakita sa kalangitan ng Malaysia ang sinasabing mga parte ng rocket habang bumubulusok at nagliliyab.
Sa ulat ng GTV "State of the Nation" nitong Lunes, sinabing ang bumagsak na mga bagay ay bahagi ng rocket booster ng Long March 5B ng China na pinalipad noong July 24.
Pinayuhan ng Philippine Space Agency o PHILSA ang publiko na ipaalam sa mga awtoridad at huwag kunin o hawakan kung may makitang kahina-hinalang debris na palutang-lutang sa dagat.
Wala namang iniulat na nasaktan o nasira dahil sa mga bumagsak na debris ng rocket.
Ayon kay Zhao Lijian, tagapagsalita ng Chinese Foreign Ministry, nakadisenyo raw ang rocket na masunog kapag pumasok sa atmosphere.
"The probability of this process causing harm to aviation activities or the ground is extremely low," dagdag pa ng opisyal.
Sinusubukan pang makuha ang panig ng Department of Foreign Affairs (DFA) at National Security Adviser (NSA), ayon sa ulat. --FRJ, GMA News