Kahit exhibition match lang, hindi babalewalain ni Filipino boxing legend Manny Pacquiao ang makakalaban niyang Korean YouTuber na si DK Yoo. Ang naturang laban ay charity event para sa mga pamilyang naapektuhan ng digmaan ng Ukraine at Russia.

Ayon sa dating eight-division world champion, 100 porsiyento siyang magpapakondisyon para sa laban nila ni Yoo na gaganapin sa Disyembre sa Seoul, South Korea.

Ang naturang laban ay charity event para sa mga pamilyang naapektuhan ng digmaan ng Ukraine at Russia.

"Sisiguraduhin ko na 'yung condition ko ay 100-percent and mahigitan ko pa rin 'yung galing ko sa taas ng ring although ito ay charity event para makatulong tayo sa mas marami pang tao," sabi ni Pacquiao sa press conference nitong Miyerkules ng gabi sa Taguig.

"Gagawin din natin 'yung training na ginagawa natin, 'yung usual na ginawa natin sa training 'pag nagpe-prepare tayo," dagdag niya

Ayon kay Pacquiao, anim na two-minute rounds ang magiging laban nila ni Yoo, na mas mataas sa kaniya (5-foot-10).

Sa kabila nito, tiwala pa rin si Pacquiao dahil marami na raw siyang tinalong kalaban na mas mataas sa kaniya.

"Sanay na ako diyan," saad ng dating senador.

Nilinaw din ni Pacquiao na hindi nangangahulugan na opisyal na siyang lalaban muli matapos magretiro noong September 2021.

"Nag-announce na ako ng retirement ko, 'yan 'yung nasa puso ko at nasa mind ko unless kung magbago 'yung isip ko or puso ko na gusto ko lumaban ulit pero hindi pa ako nag-iisip nang ganon," paliwanag ni Pacquiao.

"Ang sa akin ay kung paano ako kumita para makatulong," dagdag niya.

Sinabi rin ni Pacquiao na posibleng si Buboy Fernandez ang makasama niyang muli sa kaniyang training na magsisimula sa August.—FRJ, GMA News