Nakabawi at naidepensa ni Kazuto Ioka ng Japan ang kaniyang WBO world super flyweight belt laban sa Pinoy na dating four-division champion na si Donnie Nietes matapos niya itong talunin via unanimous decision.
Naganap ang sagupuan ng dalawa sa Ota-City General Gymnasium sa Japan nitong Miyerkules ng gabi.
Maagang naging agresibo ang 40-anyos na si Nietes sa pagsugod kay Ioka. Naging maingat naman ang kampeon na nagpapakawala ng jabs habang iniikutan ang Pinoy.
Nanatili ring matatag ang Japanese fighter sa mga power punch na pinakawalan ni Nietes sa second round. Kinalaunan, nagpakawa na rin ng matatalas na suntok si Ioka na tumatama sa dating kampeon.
Sa round 7, makikitang dinodomina na ni Ioka ang laban sa pagtanggap ni Nietes sa mga suntok na kaniyang pinapakawalan.
Nagawa naman ni Nietes na makatama sa round 9 pero hindi natinag si Ioka. Sa round 10, pinadugo ni Ioka ang kaliwang mata ni Nietes, at patuloy na tinarget hanggang matapos na ang laban.
Sa score card ng mga hurado, pumabor lahat kay Ioka, 120-108, 118-110 at 117-111. Napaganda ng Japanese boxer ang record niyang sa 29-2 na may 15 knockout. Habang nabahiran naman ang rekord ni Nietes sa 43-2-6 na may 23 knockout.
Sa tagumpay ni Ioka, naiganti na niya ang pagkatalo niya kay Nietes nang una silang maglaban noong 2018, kung saan namayani ang Pinoy via split decision. —FRJ, GMA News