Patas na imbestigasyon at katarungan ang hiling ng isang ginang kaugnay sa nangyaring  pananambang at pagpatay sa kaniyang anak na pulis sa Caloocan City.

Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, sinabing umaga noong July 4, nang tambangan sa Barangay 171 sa Bagumbong, Caloocan ang biktimang si Patrolman Jefferson Valencia, 24-anyos, tubong-Zaragoza, Nueva Ecija.

"Ang hinihiling ko lang patas na imbestigasyon at managot po siya [salarin], hustisya po. Hindi deserved ng anak ko ang ginawa niya dahil walang kasalanan ang anak ko sa kaniya," sabi ni Leonida Valencia, ina ng biktima.

Sakay ng kaniyang kotse ang biktima nang pagbabarilin siya ng salarin na sakay naman ng motorsiklo.

Ayon kay Leonida, hinintay umano ng salarin na makarating sa "teritoryo" nito ang kaniyang anak at saka pinagbabaril.

Nakakita ang mga imbestigador sa crime scene ng maraming basyo ng bala mula sa kalibre 9MM na baril.

Ayon sa ina ng biktima, "May nakilala raw po ang anak ko na ilang araw pa lang na ka-chat na babae, Inimvite [invite] po siyang mag-dinner. Hindi naman po akalain ng anak ko na may kabit pala na pulis [ang babae]."

Nagpapatuloy pa umano ang imbestigasyon ng mga awtoridad pero may suspek na sila sa krimen.--FRJ, GMA News