Tatlong sakay ng isang motorisklo--kabilang ang isang bata--ang dinala sa ospital matapos silang maipit sa nagbanggaang ambulansiya at truck sa Quezon City.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, makikita ang motorsiklo na tumigil sa labas ng "yellow box" sa isang intersection sa Barangay Lourdes.

Habang ang truck at ambulansya na galing naman sa magkabilang direksyon, nagtuloy-tuloy sa halip na tumigil din gaya ng ginawa ng rider ng motorsiklo.

Nagsalpukan ang ambulansiya at truck, at dumausdos papunta sa kinaroroonan ng nakatigil na motorsiklo na kanilang naipit.

Nagtamo ng mga sugat ang mga sakay ng motorsiklo at dinala sa ospital.

Paliwanag naman ng driver ng truck, nag-menor daw siya nang huminto motorsiklo pero bigla raw dumating ang ambulansiya na walang ilaw at sirena, o wang-wang.

Wala namang pahayag ang driver ng ambulansya, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News