Nayupi ang tagiliran at natanggal ang gulong ng isang pickup truck matapos na makaidlip ang driver nito at bumangga sa hilera ng mga concrete barrier madaling araw nitong Miyerkoles.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente sa northbound ng EDSA-Corinthian ng 1:30 a.m.

Sa kabutihang palad, walang nasugatan sa limang pasahero ng pickup.

Sinabi ng driver na si Ariel Evasco, nanggaling sila ng Shaw Boulevard at patungong North Avenue.

"Pagbaba ng flyover, napapikit na ako sir sa antok na rin eh. [Alam kong merong concrete barrier] kasi araw-araw kaming bumibiyahe rito," sabi ni Evasco.

Sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nasa 10 concrete barrier ang nabangga ng sasakyan.

Isa-isang tinanggal ang mga concrete barrier saka isinakay sa truck matapos ang insidente.

Nahatak ang sasakyan makalipas ang isang oras.

Hindi ito ang unang pagkakataon na may naaksidente sa lugar, nang maaksidente rin ang isang luxury SUV sa mga barrier saka tumagilid Martes ng madaling araw.

Naging pahirapan ang pagtatayo sa SUV, kung saan nakaidlip din ang driver na pauwi na sa Quezon City. —Jamil Santos/VBL, GMA News