Inihayag ng Department of Education (DepEd) nitong Martes na sa darating na August 22 ang simula ng pasukan para sa School Year 2022-2023, at magtatapos sa July 7, 2023.

Sa nasabing school calendar, sinabi ng DepEd na papayagan lang ang blended learning schedules at full-distance learning hanggang October 31, 2022.

Pagdating ng November 2, lahat ng paaralan--public at private-- ay dapat naka-in-person classes o face to face classes na.

“After the said date, no school shall be allowed to implement purely distance learning or blended learning except for those that are implementing Alternative Delivery Modes,” ayon sa DepEd.

Ayon sa DepEd, mayroong kabuuang 203 school days sa School Year 2022-2023, na limitado lang sa academics at related co-curricular activities. Mahigpit na ipinagbabawal ang extra-curricular activities.

Ang first quarter ay itinakda na mula August 22, 2022 hanggang November 5, 2022; second quarter ang mula November 7, 2022 hanggang February 3, 2023; third quarter mula February hanggang April 28, 2023, at fourth quarter naman mula May 2 hanggang July 7, 2023.

Magsisimula ang Christmas break sa December 19, 2022, at magbubukas muli sa January 4, 2023. Habang mayroon namang apat na araw na midyear break mula February 6, 2023 hanggang February 10, 2023.

Isasagawa naman ang remedial classes mula July 17, 2023 hanggang August 26, 2023.— FRJ, GMA News