Sa harap ng tumataas na kaso ng dengue sa bansa, inihayag ng Department of Health (DOH) na bukas ito na pag-aralan muli ang mga datos kaugnay ng Dengvaxia vaccine na panlaban sa naturang virus na taglay ng mga lamok.
Sinabi ito ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire nitong Martes, kasunod ng pahayag ni infectious disease expert Dr. Rontgene Solante, na napapanahon na para suriin ng pamahalaan ang mga datos at benepisyo ng Dengvaxia laban sa dengue.
Ayon kay Vergeire, ibinasura ang certificate of product registration ng Dengvaxia noong 2018 kasunod ng anunsiyo ng Sanofi Pasteur na maaaring magdulot ng “more severe” symptoms ang bakuna sa mga taong hindi pa nagkaka-dengue kapag nabakunahan.
“For us to be able to bring back this kind of vaccine, kailangan completed na ang evidence natin. Marami tayong proseso at pag-aaral na kailangang isagawa para magawa natin lahat ng ito,” pahayag ng opisyal sa DOH briefing nitong Martes.
“Ang ating gobyerno, kasama ang Kagawaran ng Kalusugan, always open naman tayo sa bagong teknolohiya lalong-lalo na kung maipapakita ng ebidensya that it can really protect our population," dagdag niya.
"Kailangan lamang po na mapag-aralang mabuti ulit, masusi ang pag-aaral, makakuha ng mga inputs coming from our experts, and itong manufacturer ay maging compliant sa regulasyon natin dito sa ating bansa,” paliwanag pa ni Vergeire.
December 2017 nang iutos ng Philippine Food and Drug Administration na suspendihin ang sale, distribution, and marketing ng Dengvaxia vaccine, at alisin sa merkado ang bakuna matapos ang ginawang anunsyo ng Sanofi.
Isinagawa ang dengue vaccination program sa termino ng noo'y Health Secretary Janette Garin noong April 2016. Pero natigil ito dahil sa mga pangambang panganib na idudulot ng bakuna sa kalusugan ng tao.
Gayunman, tinatayang 800,000 na mag-aaral na edad siyam pataas ang naturukan ng naturang bakuna.
Nitong Lunes, iniulat ng DOH na umabot na sa 64,797 ang dengue cases sa bansa mula Enero 1 hanggang Hunyo 25, 2022. Mas mataas ito ng 90% kumpara sa kaparehong panahon noong 2021.
Kasabay nito, 274 katao ang nasawi sa dengue, o pag-angat ng 0.4% case fatality rate.
Sa 17 rehiyon ng bansa, 15 na ang nalampasan ang alert at epidemic threshold para sa dengue sa nakalipas na apat na linggo, na mula Mayo 29 hanggang Hunyo 25, 2022.--FRJ, GMA News