Nagpositibo sa COVID-19 si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., ayon sa Malacañang nitong Biyernes.
Nagsagawa umano ng antigen test kay Marcos, at lumabas sa resulta na positibo siya sa viral disease, ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles sa press briefing.
May bahagya umanong lagnat si Marcos, sabi pa ni Cruz-Angeles. Maliban doon, mahusay ang kalusugan ng pangulo.
Negatibo naman sa virus ang anak ni Marcos na si Ilocos Norte Representative Sandro Marcos. Habang out of town naman si First Lady Louise "Liza" Araneta-Marcos kasama ang dalawa pa nilang anak na sina Simon at Vincent.
Inabisuhan na ang mga tauhan ng Presidential Management Staff na naging close contact ni Marcos na obserbahan ang kanilang sarili kung mayroon silang mararamdamang sintomas ng sakit.
Inihayag naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, na dumalo rin sa briefing, na mag-i-isolate si Marcos ng pitong araw. Nasa pasya na umano ng kaniyang mga duktor kung kailangan pa ng pangulo na sumailalim sa confirmatory RT-PCR test.
"After that, if his symptoms have been resolved already, he may be able to get back to work and have his face-to-face activities," ani Vergeire.
Ayon kay Cruz-Angeles, si Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez ang dumalo sa security meeting nitong Biyernes para kay Marcos.
Dahil sa pangyayari, hindi makakadalo si Marcos sa 246th anniversary ng US independence sa US Embassy sa Maynila, ayon kay Cruz-Angeles.
Dadalo at magbibigay naman ng mensahe virtually ang pangulo sa Leagues of Governors and Mayors' meeting mamayang gabi.—FRJ, GMA News