Sinabi ni Senador Juan Miguel Zubiri, na inaasahang susunod na Senate president, na hindi nila prayoridad sa Mataas na Kapulungan ang amyendahan ang 1987 Constitution. Partikular na ang pahabain ang termino nilang mga halal na opisyal.
Inihayag ito ni Zubiri bilang reaksyon sa mungkahi ng isang kongresista sa Mababang Kapulungan na amyendahan ang Saligang Batas para palawigin ang termino ng pangulo, bise presidente at iba pang halal na opisyal.
"'Wag na muna natin pag-usapan 'yung Charter change na kabago-bago pa lang ng administration...I would say, right now, that is not our priority," ani Zubiri.
"Definitely term limits... Alam mo 'yan ang ayaw ng...allergic ang taumbayan sa mga usaping politikal pagdating sa constitutional amendments," dagdag niya.
Sa unang isang taon ng papasok na 19th Congress, sinabi ni Zubiri na uunahin nilang pag-usapan sa Senado ang mga hakbang para makawi ang ekonomiya ng bansa para makabigay ng trabaho sa mga tao ang gobyerno.
"'Yun muna ang pag-usapan natin kasi galing tayong pandemya. Ang daming nahihirapan na mga kababayan natin, hindi pa tapos ang COVID-19. So we have to support the President and his health program sa darating na mga buwan," paliwanag ng senador.
Sa ngayon, sinabi ni Zubiri na ang tanging usapin na may kinalaman sa Charter change na natalakay nila ay ang adbokasiya ni Senador Robin Padilla tungkol sa pederalismo.
"Ang sabi ko sa kanya, 'Sige, mag-set ka ng mga committee hearings. Of course, we will attend and we will exchange our ideas with you'...That's as far as we are talking about any talk about charter change," ayon kay Zubiri.
Tiniyak din ni Zubiri na hindi magiging "rubber stamp" o sunod-sunuran sa administrasyong Marcos ang Senado.
"In the 18th Congress, I was also the majority leader sa leadership ng Senate. Never naging rubber stamp ang Senado. Marami po tayong mga panukala na sa tingin namin hindi sang-ayon sa ating bansa na itinulak po ng administrasyon," anang senador.— FRJ, GMA News