Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki na mahigit dalawang linggong nagtago dahil sa panggagahasa umano sa menor de edad na anak ng kaniyang kinakasama sa Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing natunton sa isang bahay sa Marilao, Bulacan ang suspek, na Top 3 sa listahan ng Most Wanted Persons sa Quezon City at Top 1 Most Wanted ng QCPD Station 14.
May warrant of arrest ang 42-anyos na suspek para sa three counts of rape at six counts of acts of lasciviousness.
Inilabas ng korte ang arrest warrant noong Hunyo 17.
"Pagkalabas ng warrant, nakarating din sa kaniya. Sa call center siya nagtatrabaho sa Mandaluyong. After nu'n nagtago na siya. Although may mga informant naman kami, natunton naman namin siya sa Marilao, Bulacan," sabi ng chief ng Criminal Investigation Section ng Quezon City Police District na si Police Lieutenant Anthony Dacquel.
Ayon sa biktima, ilang beses nangyari ang krimen noong nakaraang taon.
"'Yung complainant mismo ang lumapit sa amin para magsampa ng demanda sa kaniya noon. Although wala na siya noong time na 'yun, nakapagtago na rin, kaya ifinile (file) 'yung demanda through regular filing," sabi ni Dacquel. —Jamil Santos/VBL, GMA News