Dinakip ng mga awtoridad si dating Batangas Vice Governor Richard "Ricky" Recto matapos magreklamo ang kaniyang ex-girlfriend dahil nagbabanta umano ng dating lokal na opisyal na ipakakalat ang kaniyang mga pribadong larawan at video.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing sinalakay ng mga awtoridad ang tinitirhan ni Recto sa Pasig City nitong weekend sa bisa ng search warrant.
Ayon kay Philippine National Police-Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) spokesperson Police Lieutenant Michelle Sabino, batay sa reklamo ng biktima, nagbabanta umano si Recto na ipakakalat ang kaniyang mga pribadong larawan kung hindi raw nito susundin ang hinihingi ng dating gobernador na hindi binanggit kung ano.
“So allegedly medyo sinasaktan siya… kaya siya napunta sa ACG kasi mayroon photos and videos that the suspect is threatening to expose,” ani Sabino.
Dagdag pa ni Sabino, ito ang dahilan kaya humiling sa korte ang PNP-ACG ng warrant to search, at pagkumpiska sa gadgets ni Recto para masuri.
“Gadgets ang aming pakay. Yung containing ng videos na magpapatunay para lumakas ang kaso namin,” paliwanag ng opisyal.
Bagaman nakuha ng mga awtoridad ang kanilang pakay, sinabing nagtangka umanong pumalag si Recto na dahilan para masaktan ang isang pulis.
“He doesn't want his gadgets to be out. So noong kinukuha na namin yung gadgets, he resisted. Isang tropa natin was injured, pinaso niya,” ani Sabino.
May mga nakuha rin umanong limang baril kay Recto na hindi nakarehistro.
“So, during the implementation of warrant, nakita doon scattered all over the place yung mga baril,” dagdag pa ni Sabino.
Mahaharap si Recto sa patong-patong na reklamo tulad ng paglabag sa Violence Against Women and Children Act, illegal possession of firearms, at direct assault.
Sinusubukan pa ng GMA News na makuha ang panig ni Recto.— FRJ, GMA News