Inihayag ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na hindi siya sang-ayon sa idineklara ng Philippine Statistics Authority na umabot sa 6.1% ang inflation rate o bilis ng pagmahal ng mga bilihin at serbisyo nitong Hunyo.
"6.1? I think I will have to disagree with that number. We are not that high,” sabi ni Marcos sa press briefing matapos ang unang Cabinet meeting sa Malacañang nitong Martes.
Una rito, inihayag ng PSA na umabot sa 6.1% inflation rate nitong Hunyo, mas mataas sa 5.4% noong nakaraang Mayo.
Ito na ang pinakamabilis na pag-angat ng inflation mula noong October 2018 na nagmarka sa 6.9%.
Walang ibinigay na paliwanag si Marcos kung bakit hindi siya sa sang-ayon sa numerong inilabas ng PSA para sa June inflation.
Gayunman, sinabi niya na 4% ang target na inflation rate ng pamahalaan.
“Our targets were less four percent or less. Unfortunately, it looks like we may cross that threshold. Tatawid tayo sa four percent," ani Marcos.
PSA, nanindigan sa 6.1%
Nang hingan ng reaksyon tungkol sa pahayag ni Marcos, nanindigan si National Statistician at PSA chief Claire Dennis Mapa sa kanilang inilabas na numero.
“The Philippine Statistics Authority stands by its report,” anang opisyal.
Ibinabatay ng PSA ang inflation sa pamamagitan ng pagmonitor ng consumer price index (CPI), o galaw ng average retail prices ng, “basket of goods and services” na kasama sa pangangailangan ng bawat pamilya.
Noong nakaraang linggo, sinabi ni Finance Secretary Benjamin Diokno, dating governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), na maglalaro sa 5.7% hanggang 6.5% ang inflation ng June.
Ang patuloy na pagtaas ng produktong petrolyo, pagmahal ng singil sa kuryente at mga presyo ng bilihin, at paghina ng piso laban sa dolyar ang itinuturo niyang dahilan sa pagtaas ng inflation rate. --FRJ, GMA News