Isang panukalang batas ang inihain sa Kamara de Representantes para palitan ang pangalan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at gawing Ferdinand E. Marcos International Airport.
Sa House Bill No. 610 na inihain ni Negros Oriental Representative Arnolfo Teves Jr., ipinaliwanag niya na, “it is more appropriate to rename it (NAIA) to the person who has contributed to the idea and execution of the said noble project.”
Idinahilan din ng mambabatas na ang paliparan ay nagawa sa panahon ng termino ni Marcos Sr, ama ng bagong pangulo na si “Bongbong” Marcos Jr.
Dating Manila International Airport (MIA) ang pangalan ng naturang paliparan. Pero noong 1987, pinalitan ito at ginawang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa pamamagitan ng Republic Act No. 6639.
Nangyari ang pagpapalit sa panahon ng panunungkulan ni dating pangulong Cory Aquino, asawa ni dating senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr.
Ipinangalan kay Ninoy ang MIA, kasunod ng nangyaring asasinasyon sa dating senador sa naturang airport noong Agosto 21, 1983, matapos umuwi ng Pilipinas mula sa ilang taong pagkaka-exile sa Amerika.
Si Ninoy ay lider ng oposisyon at kilalang kritiko ng rehimen ni Marcos Sr., na napatalsik sa puwesto sa pamamagitan ng EDSA People Revolution noong 1986.
“It is more appropriate that it would bear the name of the person who has contributed and left a legacy that makes the Philippines a center of international and domestic air travel, who has instituted and built or conceptualized the project making it the pride of our country,” sa ni Teves sa panukala. --FRJ, GMA News