Isang lalaking palaboy na may problema sa pag-iisip ang binaril ng isang lalaking nakauniporme ng pulis sa Quezon City. Nang maaresto ang suspek, lumitaw na hindi talaga siya pulis at nabili lang ang uniporme online.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, kinilala ang suspek na si Aurello Ramos, 25-anyos.
Sa kuha ng CCTV camera noong noong Linggo sa V Tuazon St. sa Barangay Don Manuel, makikita ang biktimang palaboy na naglalakad sa kalye.
Maya-maya lang, dumating suspek sakay ng kotse at pumarada. Dinuraan umano ng palaboy ang sasakyan at naglakad ang biktima palayo.
Dito na bumaba ang suspek na nakauniporme ng pulis at may hawak na baril para puntahan ang palaboy. Bago siya bumalik sa kotse, nagpaputok siya ng baril.
Nadaplisan ng bala sa balikat at leeg ang palaboy na dinala sa ospital.
Ayon sa pulisya, kilala sa barangay ang palaboy dahil pagala-gala ito sa lugar at natutulog sa gilid ng kalsada.
Kuwento naman ng isang saksi, dalawang beses na binusinahan ng suspek ang palaboy nang ipaparada nito ang kotse.
Idinagdag pa ng saksi na bago pa man bumaba ng sasakya ang suspek ay sinabihan na niya ito na may problema sa pag-iisip ang palaboy.
Sa follow-up operation, naaresto ang suspek dahil natukoy kaagad ang plaka ng sasakyan.
Lumitaw na hindi talaga pulis ang suspek at nabili lang umano nito ang uniporme online.
Nakuha rin sa kaniya ang baril at mga bala.
Mahaharap sa patong-patong na kaso ang suspek, na tumanggi nang magbigay ng pahayag.--FRJ, GMA News