Isa na namang insidente ng pamamaril sa Amerika ang nangyari nitong Lunes habang idinaraos ang Fourth of July parade sa Chicago. Ang gunman, pumuwesto sa rooftop at walang habas na namaril.
Sa ulat ng Reuters, anim na ang nasawi sa insidenteng nangyari sa Highland Park sa Chicago, at mahigit 30 pa ang sugatan na pawang dumadalo o nanonood sa parada.
Ayon sa pulisya, umakyat ang gunman sa rooftop ng isang gusali gamit ang hagdanan. Kaagad na nagsagawa ng manhunt operation ang mga awtoridad.
Kinalaunan, sumuko ang suspek na kinilalang si Robert E. Crimo III, 22-anyos.
Naiwanan ang mga taong nagmamadaling makapagtago kasunod ng putukan ang kanilang mga dalang upuan, bandera, stroller ng mga bata at iba pa.
"It sounded like fireworks going off," ayon sa retired doctor na si Richard Kaufman, na nakatayo nang umalingawngaw umano ang nasa 200 putok.
"It was pandemonium," saad niya. "People were covered in blood tripping over each other.”
Sa nakalipas na ilang linggo, ilang insidente ng mass shooting ang naganap sa Amerika.
Ilang oras lang matapos ang pamamaril sa Highland Park, dalawang pulis sa Philadelphia ang binaril malapit sa Benjamin Franklin Parkway. Nangyari rin ito habang nagdaraos ng Fourth of July concert at fireworks show.
Nakaligtas ang dalawang pulis.
Noong Mayo, isang lalaki ang namaril at nakapatay ng 19 na batang mag-aaral at dalawang guro sa isang elementary school sa Uvalde, Texas. Sampung araw bago nito, 10 katao rin ang nasawi nang may mamamaril sa grocery store sa Buffalo, New York.
Sa nangyaring pamamaril sa Highland Park, sinabi ng pulisya na nasa edad walo hanggang 85 ang biktima.
Inaalam pa ang motibo ng suspek sa kaniyang ginawa. —Reuters/FRJ, GMA News