Nais ng isang kongresista na amyendahan ang Saligang Batas upang palawigin ang termino o taon ng panunungkulan ng pangulo at iba pang halal na opisyal.

Naghain ng resolusyon si Pampanga Representative Aurelio Gonzales Jr., isang araw matapos ang inagurasyon ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.

Sa ilalim ng kasalukuyang 1987 Constitution, maaari lamang umupo sa puwesto ang pangulo ng anim taon o isang termino. 

Nais ng mambabatas na ibaba sa limang taon ang panunungkulan ng president at maging ang bise presidente, pero maaari silang tumakbo muli sa naturang posisyon ng isang beses o magiging dalawang termino.

Naniniwala si Gonzales, na ang mataas na boto na nakuha nina Marcos (31 milyon) at Vice President Sara Duterte (32 milyon) ay pagpapakita ng suporta ng mga tao na amyendahan ang salitang batas, at susugan ang probisyon sa termino ng mga halal na opisyal.

"The clear majority mandate from the Filipino people for President Marcos and Vice President Duterte would be the green light from our citizenry to proceed with discussion of charter change," anang kongresista.

Sa panukala ni Gonzales, nais din niyang bumoto ang mga tao ng kandidatong pangulo at bise presidente na mula sa magkaparehong partido.

Bukod sa dalawang pinakamataas na opisyal ng bansa, kasama rin sa panukala na palawigin ang termino ng mga senador, kongresista at lokal na opisyal.

Sa kasalukuyan, mayroong anim na taong termino ang senador at maaaring tumakbo ng dalawang magkasunod na halalan.

Habang tatlong taon naman ang termino ng kongresista na maaaring tumakbo ng tatlong magkakasunod na halalan.--FRJ, GMA News