Tinambakan ng New Zealand ang Gilas Pilipinas sa oskor na 106-60, sa kanilang salpukan sa 2023 FIBA World Cup Asian Qualifiers nitong Huwebes sa Auckland, New Zealand.

Kumamada kaagad sa puntos ang Tall Blacks sa first half at nilimitahan ang Gilas sa 24-8 na arangkada. Nagsara sa iskor na 47-21 ang naturang yugto.

Sa third quarter, nagpakitang gilas ang Philippine team nang kumabig ng 22 puntos. Pero hindi pa rin iyon sapat para tapatan ang kalamangan ng New Zealand sa 73-43.

Sa ika-apat at huling quarter, patuloy na dinomina ng Tall Blacks ang laro na humakot pa ng 33 puntos laban sa 17 ng Gilas, patungo sa panalo ng New Zealand, 106-60.

Tanging sina Rhenz Abando at Carl Tamayo lamang sa Team Pilipinas ang nakapuntas ng double digit, na 11 at 16 puntos.

Sa tropa ng Tall Blacks, tumirada si Dion Prewster ng 15 puntos, 14 kay Finn Delaney, tig-12 sina Ethan Rusbatch at Jordan Ngatal. Nagdagdag naman sina Corey Webster ng 11 puntos at 10 pa kay Shea Ili.

Sa nakaraang paghaharap ng dalawa sa window para sa qualifiers, tinalo rin ng New Zealand ang Gilas, 88-63.

Mayroon ngayong kartada ang Gilas na 1-2 card sa torneyo, at nakatakda nilang sagupain sa Linggo sa Mall of Asia Arena ang India.

Ang Pilipinas, kasama ang Japan at Indonesia, ang host ng 2023 FIBA World Cup. Dahil dito, siguro ang Pilipinas na mayroong puwesto sa naturang torneyo.

Narito ang iskor:

Pilipinas: 60 - Tamayo 16, Abando 11, Lopez 8, Ramos 6, Ravena 6, Quiambao 4, Belangel 3, Abarrientos 2, Navarro 2, Chiu 2, Ildefonso 0.

New Zealand: 106 - Prewster 15, Delany 14, Rusbatch 12, Ngatal 12, Webster 11, Ili 10, Vodanovich 8, Britt 7, Cameron 6, Smith-Milner 5, Timmins 4, Harris 2.

Quarter scores: 13-23, 21-47, 43-73, 60-106.

--FRJ, GMA News