Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 45,416 kaso ng dengue sa bansa mula Enero 1 hanggang June 11, 2022.
Ang naturang bilang ay mas mataas ng 45% kumpara sa katulad na panahon noong 2021 na nasa 31,320, sabi ng DOH.
Pinakamaraming kaso ang naitala sa Central Visayas (13%), Central Luzon (12%, at Zamboanga Peninsula (10%).
Mula Mayo 15 hanggang June 11, sinabi ng DOH na 11,680 kaso ng dengue ang naitala sa bansa.
Sa nasabing bilang, 15% ang galing sa Central Luzon, 13% sa Central Visayas, at 8% mula sa Western Visayas.
May nakikita rin ang DOH na pagtaas ng kaso ng dengue sa Mimaropa, Western Visayas, Central Visayas, the Zamboanga Peninsula, the Davao Region, Bangsamoro Region, at Cordillera Administrative Region.
Sa 17 rehiyon, 15 umano ang nalampasan na ang kanilang epidemic threshold sa nakalipas na isang buwan.
Sa bilang ng mga nagkasakit na dengue, 217 ang nasawi. Ayon sa DOH, 39 dito ay naitala noong Enero, 37 noong Pebrero; 34 noong Marso; 45 noong Abril, 58 noong Mayo; at apat ngayong Hunyo.
Pinayuhan ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang publiko na mag-ingat at gawin ang "4S" strategy laban sa dengue na: search and destroy breeding places, secure self-protection, seek early consultation, and support fogging or spraying.—FRJ, GMA News